|
Why is it so difficult to write simply -- and not just simply but sotto voce, if you know what I mean? That is how I long to write. No fine effects -- no bravura. But just the honest truth, as only a liar can tell it. - Katherine Mansfield, A Married Man's Story
|
Babaeng Namumuhay Nang Mag-Isa
Joi C. Barrios(1988)
Babae akong namumuhay nang mag-isa
hiwalay sa asawa,
matandang dalaga,
kerida,
puta.
Ang aking pag-iisa'y
batik na itinuturing ng aking lipunan,
latay na pabaon ng nakaraan,
pilat na taglay hanggang sa kasalukuyan.
May pagsusulit na hindi ko nakayanan,
may timbangang nagtakda ng aking pagkukulang,
may pagsusuring kumilatis
sa pagkatanso ng aking pagkatao.
Lagi'y may paghuhusga sa aking pag-iisa.
Ang di nila nakita'y
akin din naman ang pagpapasya.
Isang maliit na kalayaang
hinamak ng iba ko pang
pagkakapiit pagkaalipin
sa aking lipunan.
Ang pag-iisa'y di pagtalikod
sa pag-ibig, o pagnanasa o pananagutan.
Hindi ito pagsuko
sa katuparan ng mga pangako
o pagkakatutuo ng mga pangarap.
Hindi ito pagtanaw sa buhay nang hubad sa pag-asa.
Paghangad lamang
na kamay ko ang magpatakbo sa aking orasan,
puso ko at isipan ang sumulat ng aking kasaysayan,
sarili ko ang humubog sa aking kabuuan.
Hayaan akong mamuhay nang payapa,
nang hindi ikinakabit sa aking pangalan
ang mga tawag ng pagkutya:
puta,
kerida,
matandang dalaga,
hiwalay sa asawa.
Babae man akong namumuhay nang mag-isa.
posted by spidergrrl @
6:22 AM
|
15.6.02  |
|
|